Draw uli kay So vs Indon GM
MANILA, Philippines - Nagkasya si top-ranked Wesley So sa isa na namang draw at sinamahan siya ni second seed Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam sa liderato matapos mahirapan sa kani-kanilang laban sa ikaanim na round ng Asian Zonal 3.3 Championships kahapon sa Tagaytay International Convention Center.
Pumayag ang 19-anyos na si So na makipaghati ng puntos kay defending champion Susanto Megaranto ng Indonesia matapos ang 51 moves ng Slav defense.
“It’s difficult to force the issue because the situation was drawish and was leading us nowhere but a fighting draw,†sabi ni So, nag-break muna sa kanyang pag-aaral sa Webster University sa US para sumali sa torneo na qualifying tournament para sa World Cup na gagawin sa Norway ngayong taon.
May dalawang slots na nakataya sa torneo kung saan ang una sa tatlong berths ay ibinigay na kay Oliver Barbosa na nanalo sa isang international tournament kamakailan.
Sa isa pang main game, dinimolisa ni Ngoc Truong Son ang isa pang pambatong Pinoy na si Mark Paragua sa loob ng 28 moves lamang ng Gruenfeld defense para manatiling kasalo sa liderato si So sa kanilang magkatulad na 5.0 points.
Tinalo naman ni Joey Antonio si FM Gombosuren Munkhgal ng Mongolia matapos ang 58 moves ng Nimzo-Indian defense para umakyat sa solong ikatlong puwesto taglay ang 4.5 points.
Si Megaranto naman ay mayroong 4.0 points tulad nina IM Bayarsaikhan Gundavaa, Darwin Laylo at Vietna-mese Cao Sang at Nguyen Duc Hoa.
Tinalo ni Gundavaa si Barlo Nadera sa 47 moves ng French defense, nakipag-draw si Laylo kay Duc Hoa sa 43 moves ng Gruenfeld habang nau-ngusan ni Cao si Mari Joseph Turqueza sa 19 moves ng Queen’s Pawn Game.
Sa ikapitong round, haharap si Antonio kay Ngoc Truong Son, sasagupain ni So si Duc Hoa, makakatapat ni Laylo si Megaranto at haharapin ni Gundavaa si Cao.
- Latest
- Trending