3-gold target ng wrestlers sa Myanmar SEA Games
MANILA, Philippines - Hindi bababa sa tatlong ginto ang inaasinta ng National wrestlers sa gaganaping Myanmar SEA Games mula Disyembre 11 hanggang 22.
Kung maisasakatuparan, lalampas ng isa ang makukuhang ginto kumpara sa naitala noong 2011 sa Indonesia.
“Confident kami na kaya naming makatatlong ginto dahil maganda ang magiging preparasyon namin,†wika ng pangulo ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) na si Albert Balde.
Sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC), anim na wrestlers ang magsasanay ng walong buwan sa Iran, ang numero-unong bansa sa Asya kung wrestling ang pag-uusapan.
Ang mga magsasanay ay sina Margarito at Joseph Angana, Jason Balabal, Alvin Lobreguito, Roel Lorada at Johnny Amorte.
Sina Margarito at Jason ang siyang mga nanalo ng ginto sa Indonesia sa Greco Roman at siyang mangunguna uli sa hanap na tagumpay.
May balita ang WAP na 21 events ang paglalabanan sa Myanmar na hinati sa tig-pito sa men’s Greco Roman at Freestyle at women’s division.
“Magpapadala tayo ng mga babaeng wrestlers pero hindi pa nila kayang manalo ng ginto dahil malayo tayo kumpara sa Vietnam. Maaring exposure sa ilang lady wrestlers lamang ang habol muna natin,†dagdag ni Balde.
Sa Pebrero 15 ay nais ng WAP na paalisin na ang mga magsasanay sa Iran at babalik sila ng bansa sa Disyembre 1 upang makapagpahinga ng ilang araw bago sumama sa Pambansang delegasyon na tutulak patungong Myanmar para sa SEA Games.
- Latest