Clippers ‘di pinaporma ang Wizards
LOS ANGELES -- Bibihira ang gabi na makakapagtala si Blake Griffin ng mas mataas na free throw percentage kaysa sa kanyang field goal percentage.
Ang three-time All-Star ay nagpasok ng isang pares ng clutch foul shots sa final 2 minutes, tumapos ng 7-for-10 sa free throw line pambawi sa kanyang 5-for-18 field goal shooting nang igupo ng Clippers ang Washington Wizards, 94-87 nitong Sabado ng gabi.
Humataw ng 22 puntos nat 11 assists si Chris Paul habang 17 puntos at 11 rebounds ang idinagdag ni Griffin para sa Clippers na nanalo sa sa-riling balwarte.
Galing ang Clippers sa tatlong sunod na road wins sa Memphis, Houston at Minnesota at ang panalong ito ay pang-apat na sunod sa Los Angeles para itaas ang home record sa 19-4.
Nanalo ang home team kahit may mahinang 36.6 shooting percentage at si Paul, ang NBA Player of the Month noong Disyembre, ay bumalik sa line-up matapos lumiban ng tatlong laro dahil sa nananakit na kneecap.
Ipinakita naman ni Paul na ayos na ang injury nang angkinin ang pitong puntos sa huling 3:14 sa orasan.
Ang panalo ay makakatulong para ihanda ng Clippers ang sarili sa mu-ling tagisan laban sa Oklahoma City sa Martes.
Nakauna ang Thunder sa Clippers noong Nobyembre 21 sa pamamagitan ng 117-111 overtime panalo.
Si John Wall ay kumana ng 24 puntos para sa Wizards pero hindi sapat ito para pigilan ang pagbagsak ng koponan sa pinakamasamang karta sa NBA na 8-30.
Sa iba pang laro, nanalo ang Sacramento sa Charlotte, 97-93.
- Latest