Natupad ang pangarap ni Romero na magkaroon ng koponan sa PBA
MANILA, Philippines - Nakumpleto ni businessman/sportsman Mikee Romero ang pangarap na magkaroon ng koponan sa Philippine Basketball Association sa taong 2012.
Nagbunga ang pagsusumigasig ni Romero na makahanap ng daan para makapasok sa PBA nang sa kanyang pag-aari na Sultan 900 Inc., ibinenta ang Powerade Tigers sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo.
Si Commissioner Chito Salud ang sumuri at nagbigay ng kanyang go-signal sa bentahan at sinasabing nasa P100 milyon ang perang inilabas ni Romero.
“I dreamt of playing in the PBA, instead I ended up owning a franchise,” masayang binigkas ni Romero matapos matanggap bilang regular member ng liga.
Nagbakasakali na si Romero na masama sa PBA gamit ang backdoor pero napurnada ang mga negosasyon sa Burger King.
Bago napasok sa PBA, si Romero ang may-ari ng Harbour Center at Batang Pier sa Philippine Basketball League na nanalo ng pitong sunod na titulo.
Naupo na rin siya bilang godfather ng amateur basketball at siyang nanguna sa laban ng Pambansang koponan na nanalo ng ginto sa 2007 Chang Mai SEA Games.
Makasaysayan ito dahil sa taong 2007 naalis ang suspensyon ng FIBA Asia sa Pilipinas dulot ng problema sa liderato sa basketball.
Bago naselyuhan ang bentahan, si Romero ay naiupo rin bilang pangulo ng shooting association at nasa London Olympics para samahan si shotgun shooter Brian Rosario, nang nalaman ang magandang balita mula sa kauna-unahang propesyonal na liga sa basketball sa Asya.
May kapalit naman ang pagpasok sa pro league ni Romero dahil kinaila-ngan niyang iwanan ang ASEAN Basketball League dahil sa laki ng gastusin kung dalawang koponan ang kanyang pananatilihin.
Hindi naman makakalimutan si Romero sa ABL dahil ang pag-aaring Philippine Patriots ang naging kampeon sa unang edisyon noong 2009-10 season.
- Latest