8-kabayo tatakbo sa Binay Cup
MANILA, Philippines - Walong kabayo ang magtatangka na magkaroon ng magarbong pagtatapos kung pagtakbo sa stakes race ang pag-uusapan sa paglarga ng 2nd Vice President Jejomar Binay 'Alay sa Kawal Foundation Cup' nga-yong hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mangunguna sa tatakbo ay ang Magna Carta na sasakyan pa rin ni jockey Jessie Guce habang ang ibang kasali sa 1,750m distansya ay ang Juggling Act ni Jonathan Hernandez, Tensile Strength ni Pat Dilema, Hari Ng Yambo ni JA Guce, Botbo ni Kevin Abobo, Divine ni JPA Guce, Indy Hay ni Fernando Raquel Jr. at Righthererightnow ni RC Baldonido.
Ito na ang huling stakes race na gagawin sa taong ito kaya’t lahat ng mga kasali ay nais na magwakas ang isang taong pangangarera sa panalo.
Tiyak na ang Magna Carta ang siyang papaboran matapos ang respetado pa ring takbo sa taong 2012.
Naisuko ng premyadong kabayo ni Michael Dragon Javier ang titulo sa Presidential Gold Cup sa inaasahang magi-ging Horse Of The Year awardee na Hagdang Bato pero hindi nakakahiya ang pagkatalong nangyari dahil lumaban ito bago nakontento sa ikalawang puwesto.
Napahirapan ang Magna Carta sa ipinataw na 58 kilos handicap weight bilang isang nagdedepensang kampeon.
Ang Juggling Act at Tensile Strength ang mga inaasahang mangunguna sa hahamon sa Magna Carta para balikan ang kabayo matapos magkasukatan sa Eduardo Cojuangco Cup noong nakaraang buwan.
Nais din ng Juggling Act na ipakita na ang kabayo pa rin ang pinakamahusay na imported na kabayo sakaling manalo sa karerang ito.
May garantiyang P1 milyon premyo ang nakataya sa karera na handog ni Bise Presidente Binay para sa Alay sa Kawal Foundation.
- Latest