Windy Firenze, Saint Tropez tangka ang magandang pagtatapos sa 2012
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang Windy Firenze at Saint Tropez na tapusin ang taong 2012 bitbit ang magkasunod na panalo sa pagtakbo sa pagbabalik ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Si Pat Dilema ang siyang didiskarte muli sa Windy Firenze, habang si RN Llamoso ang sasakay sa Saint Tropez na coupled entry sa gagawing race three na inilagay sa 1,400-metrong distansya.
Galing sa magkahiwalay na panalo ang nasabing mga kabayo sa pagdiskarte ni Dilema sa idinaos na pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Tinalo ng Windy Firenze ang Don Ronaldo sa isang class division 1 na pinaglabanan sa 1,200m distansya, habang ang Saint Tropez ay nangibabaw sa Majestic Queen na parehong nangyari noong Disyembre 18.
Sabay na umakyat ng grupo tungo sa class division 2 ang dalawang kabayo at makikilatis kung sino kina Dilema at Llamoso ang papalaring hinete sa tangkang panalo ng dalang mga kabayo.
Ang iba pang kasali ay ang Shades Of Red, Virtual Angel, South Bound, Sunshine, Dakara at Hurricane Alley.
Pitong karera ang magbubukas sa unang araw ng pista sa Manila Jockey Club matapos mapahinga noong Martes bilang paggunita ng bansa sa Kapaskuhan.
Isa sa mga magandang bakbakan na mapapanood ngayon ay sa race 7 na isang class division 5 na pinaglabanan sa 1,400m distansya.
Ang kabayong sakay ni Dilema na Lifetime ang mangunguna sa laban at magsisikap na pag-ibayuhin ang tinamong pangalawang puwesto noong Nobyembre 28.
Ang Platinum Lance ay kalahok din at magbabaka-sakaling makuha ang ikalawang dikit na panalo matapos ang tagumpay noong Disyembre 1 laban sa kabayong Ma’am Mika.
- Latest