Pacquiao-Marquez IV humakot sa PPV
MANILA, Philippines - Humakot ang ikaapat na laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez ng halos 1.15 million buys sa HBO PPV (pay-per-view).
Ito ang sinabi kahapon ni Top Rank promoter Bob Arum sa ESPN.com kaugnay sa malaking hatak ng naturang Pacquiao-Marquez IV na nangyari noong nakaraang linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Hindi pa inilalabas ang pinakahuling numero, ngunit kinatigan naman ng HBO ang pigurang inihayag ni Arum.
Nangangahulugan na ang Pacquiao-Marquez IV ay maaaring humakot ng $70 milyon sa domestic television revenue.
“We are happy. It’s a very big success,” sabi ni Arum ilang oras bago ang bakbakan nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Jorge Arce sa Toyota Center sa Houston, Texas.
“The number of buys on the last day was disproportionately large. We were tracking a lot less until the last day and then we did a land rush of business. It built and built,” dagdag pa ng promoter.
Pinatulog ng 39-anyos na si Marquez ang 33-anyos na si Pacquiao sa pamamagitan ng isang mabigat na right hand sa 2:59 ng sixth round sa kanilang non-title, welterweight fight.
Naging maganda naman ang resulta ng pay-per-view figure para kay Pacquiao matapos ang kanyang split decision loss kay Timothy Bradley Jr. noong Hunyo.
Ang naturang Pacquiao-Bradley bout ay kumolekta ng 900,000 buys.
Sa Marquez-Pacquiao III noong Nobyembre ng 2011, kumolekta ito ng 1.25 million buys, habang sa kanilang rematch noong Marso ng 2008 ay nagtala ng 407,000 buys.
- Latest