Pacquiao, Marquez negatibo sa PEDs
MANILA, Philippines - Negatibo sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa paggamit ng mga performance enhancing drugs (PEDs).
Ito ang inihayag ni Nevada State Athletic Commission executive director Keith Kizer kaugnay sa isinagawa nilang post-fight drug scans kina Pacquiao at Marquez matapos ang kanilang laban noong nakaraang Linggo sa MGM Grand Garden sa Las Vegas, Nevada.
Pinatumba ni Marquez si Pacquiao sa dulo ng sixth round mula sa isang mabigat na right hand.
Natiyak naman sa magnetic resonance imaging (MRI) na walang pinsala sa ulo at katawan ang 33-anyos na si Pacquiao.
Bago ang kanilang upakan ni Pacquiao ay pinaratangan ni trainer Freddie Roach si Marquez na gumagamit ng steroids dahil sa mabilis na paglaki ng katawan nito.
Kaagad naman itong pinabulaanan ni Marquez.
“As far as people thinking I am taking steroids? I would take the test. Let them take my blood. I don’t care. I would do it just to shut everybody up,” ani Marquez. “Of course my fight tests have always been clean. I don’t know how those rumors get started.”
Ang kontrobersyal na si Angel Hernandez, umamin na nagbigay ng steroids sa ilang track and field stars ng United States, ang strength and conditioning coach ng 39-anyos na si Marquez.
Nauna na ding inakusahan si Pacquiao ni Floyd Mayweather Jr. na gumagamit ng PEDs noong 2009.
Kaagad na nagsampa ng demanda si Pacquiao laban kay Mayweather.
- Latest