Pacquiao-Marquez part five matatagalan pa
MANILA, Philippines - Sa kabila ng malaking panalo ni Juan Manuel Marquez sa kanilang ikaapat na laban ni Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, naniniwala si promoter Bob Arum na hindi dapat madaliin ang pang limang paghaharap ng dalawang boksingero.
Sa panayam ng Los Angeles Times kahapon, sinabi ni Arum ng Top Rank Promotions na malabong maidaos ang Pacquiao-Marquez V sa Abril 20.
“No. 5 is now the biggest fight in boxing, bigger than Pacquiao-Mayweather,” pagkukumpara ni Arum sa Pacquiao-Marquez V sa hindi pa rin naitatakdang laban ni Pacquiao kay Floyd Mayweather, Jr. “The idea we’d be ready to fight April 20 is ludicrous.”
Ayaw ni Arum na magbigay ng eksaktong petsa kung kailan niya balak itakda ang Pacquiao-Marquez V.
Sinabi ni Arum na ang bidding para sa pang-lima at posibleng pinakahuling banggaan ng 33-anyos na si Pacquiao at ng 39-anyos na si Marquez ay maaaring magmula sa Las Vegas properties at maging sa Cowboys Stadium sa labas ng Dallas.
Isang mabigat na right hand ang isinagot ni Marquez matapos magmintis ang left cross ni Pacquiao para sa kanyang sixth-round knockdown win sa harap ng nagulantang na 16,000 fans sa MGM Grand noong nakaraang Linggo.
Iniulat ng Dish Network ang 1.25 million buys sa pay-per-view sales na dinaig ang kinita ng Pacquiao-Marquez III noong Nobyembre ng 2011.
- Latest