PSC-POC batang pinoy national finals: Nueva Ecija archer tumudla ng 8-golds
ILOILO CITY, Philippines – Hinirang si Atanacio Pellicer ng Nueva Ecija bilang atletang may pinakamaraming nakamit na gintong medalya sa pagsasara ng PSC-POC Batang Pinoy 2012 National Finals kahapon.
Tumudla ng walong gintong medalya si Pelli-cer sa cab men’s 20-meter, 30m, 40m, 50m, single FITA, Olympic Round at nakasama sa team event at Mixed Team Olympic Round sa sports meet para sa mga batang may edad 15-an-yos pababa.
Nagtala naman sina archers Mary Queen Ybanez ng San Fernando City at Abelardo Villamor ng Baguio City ng tig-pitong gold medals sa kani-kanilang event.
Kagaya ng inaasahan, nilangoy ng Quezon City ang 16 gintong medalya sa swimming sa likod ng tig-anim nina Raissa Regatta Gavino at Kirsten Chloe Daos at lima kay Jeremy Brian Lim.
Ang huling dalawang ginto nina Daos at Gavino ay galing sa girls’ 13-15 100-meter butterfly (1:08.88) at 800m freestyle (9:56.64) at sa girls’ 11-12 800m freestyle (10:26.28) at sa 100m breaststroke (1:20.12), ayon sa pagkakasunod.
Nasa ilalim ng Quezon City ang Manila (10), San Juan (6), Bulacan Province (5) at Angeles City (5).
Sa boxing, apat na ginto ang inangkin ng Panabo City.
- Latest