Top seed player sinilat ni Arcilla tungo sa finals

MANILA, Philippines - Ginulat ni six-time champion Johnny Arcilla si top seed Fil-German Marc Sieber, 6-1, 6-4, para makapasok sa men’s singles finals ng PCA Open Tennis Championships na inihahandog ng Cebuana Lhuillier kahapon sa PCA courts sa Paco, Manila.

Ipinakita ni Arcilla ang kanyang all-around game at sinamantala ang malamyang panimula ni Sieber upang kumpletuhin ang kanyang straight-set victory.

Makakasagupa ni Arcilla sa finals si Ruben Gonzales.

Pinayukod ng second seeded na si Gonzales si Elbert Anasta, 6-4, 7-6 (8-6), sa isa pang semis clash.

“My game clicked and he (Sieber) committed a lot of errors,” wika ni Arcilla kay Sieber na tumalo sa kanya sa 2010 finals.

Matapos kunin ang first set, inihataw ni Arcilla ang 5-2 kalamangan sa second frame bago nakalapit si Sieber sa 4-5.

“I tried to break his momentum but he hit good shots,” ani Sieber sa pagkopo ni Arcilla sa huling laro patungo sa kanyang tagumpay.

Makakasagupa naman ni Clarice Patrimonio si defending champion Marian Jade Capadocia sa women’s singles semis ngayon.

 

Show comments