40th PCSO Presidential Gold Cup pakakawalan sa Disyembre 9 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite
MANILA, Philippines - Kung may isang karera sa taong ito na tiyak na aani ng atensyon ng bayang karerista, ito ay ang magaganap na 40th Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Presidential Gold Cup sa Disyembre 9 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang karerang ito ay iniaalay sa Pangulo ng bansa at itinataguyod ng PCSO na naglaan ng kabuuang P5 milyon bilang papremyo.
Ito ang pinakamalaking stakes race sa taon at ang mananalo ay magbibigay ng kabuuang P3 milyong piso.
Tututukan ang karerang ito dahil magtatapat sa unang pagkakataon ang dalawang premyadong kabayo na dinodomina ang mga nilalahukang karera.
Sa isang dulo ay ang Hagdang Bato, ang nagdedepensang kampeon ng karera at nanalo sa dalawang sunod na Silver Cup na pakarera rin ng PCSO.
Ang hahamon ay ang 2012 Triple Crown champion na Hagdang Bato na hindi pa natatalo matapos ang walong karera sa taon.
Sa 2000-metrong distansya gagawin ang labanan at ang magiging bentahe ng Hagdang Bato na sasakyan pa rin ni Jonathan Hernandez ay ang 54.5 kilos na magaan na timbang.
Ang Magna Carta ay sasakyan ni Jessie Guce at may 58 kilos handicap weight bilang nagdedepensang kampeon.
Ang iba pang nagpatala sa karera ay ang Purple Ribbon ni Val Dilema (54.5), Pleasantly Perfect ni Pat Dilema (54.5), Tensile Strength ni Jeff Zarate (55), Chevrome (54.40, Steel Creation (54.5) at Cinderella Kid (54.5).
Bagamat ang ibang kalahok ay puwedeng makapanilat, tiyak naman na papasok sa magandang kondisyon ang Magna Carta at ang Hagdang Bato na pag-aari nina Michael Dragon Javier at Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Parehong galing sa panalo sa kanilang tune-up races ang dalawang kabayo at ang Magna Carta ay kapapanalo lamang sa Amb. Eduardo Cojuangco Cup na inilagay sa 2,000m at gumawa ng tiyempo na 2:06.6.
Sa kabilang banda, ang Hagdang Bato ay nagkampeon sa 1,600m MARHO Colt Mile race sa naisumiteng 1:43.6 tiyempo.
Ang papangalawa sa datingan ay kakabig din ng magandang P1 milyong premyo, habang ang papangatlo ay mayroong P500,000 at P300,000 ang maibubulsa ng kabayong kukumpleto sa unang apat na puwesto.
- Latest