Donaire puntirya sina Mares at Rigondeaux
MANILA, Philippines - Sakaling manalo kay Mexican challenger Jorge Arce, dalawa pang boksingero ang tatargetin ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Ang mga ito ay sina WBC titlist Abner Mares ng Mexico at si WBA ruler Guillermo Rigondeaux.
At kung mawawalis sina Mares at Rigondeaux, tuluyan nang aakyat sa featherweight division ang tubong Talibon, Bohol na si Donaire.
Itataya ni Donaire (30-1-0, 19 knockouts) ang kanyang suot na WBO super featherweight belt laban kay Arce (61-6-2, 46 KOs) sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Nasa undercard ng Donaire-Arce championship fight ang laban ni Rigondeaux (11-0-0, 8 KOs) kay dating titleholder Poonsawat Kratingdaenggym (48-2-0, 33 KOs).
Matapos ang panalo kay WBA bantamweight king Anselmo Moreno noong Nobyembre 10, hinamon ni Mares (25-0-0, 13 KOs) si Donaire.
“I want to request that fight with Mares to happen. I requested that fight last year and this year, but it never happened,” sabi ni Donaire kay Mares, pinabagsak siMoreno sa fifth round na tumapos sa 27-bout winning streak ng huli.
“Maybe now that he’s calling me out on national television, it might happen. We’ll see, but I want to try to get that fight for next year. But we’ll see. I’ll fight Mares, who is the Golden Boy guy as well,” ani Donaire.
Bagamat gustung-gusto niyang labanan si Mares, kailangan pa rin ni Donaire na hintayin ang magiging negosasyon.
“We’ll have to wait for that negotiation to present itself. But I want that fight in order to begin cleaning out this division and then move up to 126,” ani Donaire.
Nanggaling si Donaire sa panalo laban kay Japanese star Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka.
- Latest