2012 POC-PSC batang pinoy Visayas leg: 9 gintong medalya sa Leyte
TACLOBAN CITY, Philippines – Siyam na gintong medalya ang itinakbo ng Leyte Sports Academy-Smart sa athletics sa likod nina runners Leah Joan Creer at Aldrin Hermosilla sa Visayas leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012.
Binubuo ng 54 students na nag-aaral at nagsasanay sa Leyte Sports Development Center, kumolekta ang LSA-Smart tracksters ng 32 gold me-dals para gitlain ang regional powerhouse teams mula sa Western Visayas at Cebu City.
Kinuha ni Creer ang ginto sa girls 14-15 200-meter sa kanyang bilis na 26.7 segundo matapos dominahin ang century dash (12.7 seconds) at 400m run (1:02.2) kamakalawa.
“We focused on just three sports for the moment, boxing, swimming and athletics,” wika ni LSA executive director Rowil Batan sa kanilang two-year-old sports development program.
Pito naman sa kanilang 10 boxers ang umabante sa finals sa Capitol Gym.
Kinopo ng fourth-grader na si Hermosilla ang gold medal sa boys 13-under 1,500m makaraang dominahin ang 2,000m at relay events.
Sa swimming, ipinagpatuloy ng Bacolod at Negros Occidental ang kanilang labanan nang humugot ng tig-pitong gintong medalya.
Lumangoy sina Remselle Limaco at Gwen Joy del Carmen ng tig-tatlong ginto para sa Bacolod matapos magreyna sa girls 13-15 100m backstroke, 200m individual medley at 50m freestyle, at sa girls 12-under 100m back, 50m back at 50m free, ayon sa pagkakasunod.
Pinitas naman ni Kyla Isabelle Mabus ang kanyang pang-limang gold medal sa panalo niya sa girls 13-15 100m butterfly.
Dalawang ginto ang inangkin nina Merced Divina Rojo at Lorenzo Xavier Abello para sa Negros Occidental.
Namayani si Rojo sa girls 12-under 100m fly at 200m IM, habang nagbida si Abello sa boys 13-15 1,500m free at 100m breaststroke.
Nagwagi rin para sa Negros Occidental sina Kyla Patrice Kho (girls 13-15 100m breast), Dustin Marco Ong (boys 11-12 400m IM) at Alfred Valentin Rojo (boys 13-15 400m IM).
- Latest