Suarez nagpakitang-gilas agad sa WSB sa Italy
CEBU, Philippines - Agad na naipakita ni National boxing team member Charly Suarez ang kakayahan na makatulong sa nagdedepensang Italia Thunder nang kunin ang panalo laban kay Robert Harutyunyan ng German Eagles sa pagbubukas ng 2012-2013 season ng World Series of Boxing (WSB) sa Mediolanum Forum Assago sa Milan, Italy noong Sabado.
Nakuha ni Suarez ang split desisyon sa 22-anyos na si Harutyunyan na kanyang dinomina sa limang rounds at napaputok pa ang kanang kilay nang tamaan ng left hook.
Bagito ang 24-anyos at Palembang SEA Games gold medallist sa Thunder na sa unang season ng WSB ang siyang hinirang na kampeon.
Napunta ang Pinoy pug sa koponan matapos magdesisyon ang pamunuan ng Mumbai Fighters ng India na magpahinga sa taong ito.
Bukod kay Suarez, nagtagumpay din ang mga kakamping sina team captain Clemente Russo at 2012 Olympic bronze medallist Vincenzo Mangiacapre para kunin ng Italia ang 3-2 panalo sa Eagles.
Ang paglahok ni Suarez sa WSB ay makakatulong sa kanyang ginagawang paghahanda para sa malala-king torneo na sasalihan ng ABAP sa pangunguna ng 2013 SEA Games sa Myanmar.
Dahil may basbas ng international federation na AIBA, ang mga dayuhang manlalaro na kasali sa iba’t ibang koponan ay maaaring hugutin ng mother country kapag may sasalihang malalaking torneo sa boxing.
- Latest