Depensa kailangan ng Azkals
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na dapat na maging solido ang Azkals, ito ay sa larangan ng pagdepensa.
Ito ang winika ni dating national coach Aris Caslib na siyang umaktong scout ng bansa sa mga international friendly games ng Thailand at Vietnam.
Bagama’t makakasabay na sa laro ang Azkals, ang mga nakitang bentahe ng Thailand at Vietnam sa Pilipinas ay ang kanilang cohesion at team work.
“Thailand is a very cohesive team dahil matagal na silang magkakasama at malalaki ng kaunti ang kanilang players sa atin. Vietnam, ganoon din, very fluid sila sa pag-atake,” wika ni Caslib.
Kaya’t ang magiging panapat lamang ng tropa na hahawakan ni Hans Michael Weiss ay depensa sa backline at midfield para mapigil ang atake ng dalawang matitinik na bansa.
Sa Group A kasama ang Azkals at kukumpletuhin ng Myanmar ang apat na bansa na maglalaban-laban sa single round robin.
Ang mangungunang dalawang bansa ang aabante sa semifinals kalaban ang unang dalawang bansa sa Group B.
Hindi naman natitinag si Weiss sa tsansa ng Azkals na maduplika kundi man ay mahigitan ang naabot na semifinals noong 2010 Suzuki Cup.
Kumpiyansa siya na sapat ang kanyang mga defenders matapos ang 1-0 panalo ng Azkals sa Singapore noong Nobyembre 15 na nilaro sa Cebu City.
- Latest