Ikalawang sunod na panalo asam naman ng Petron: Ginebra target ang 3rd win
MANILA, Philippines - Susubukan ng Barangay Ginebra San Miguel at Petron Blaze na ipagpatuloy ang kanilang pag-ahon mula sa lower half ng team standings sa kanilang pakikipagharap laban sa magkaibang koponan sa 2012-13 PBA Philippine Cup eliminations ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling sa dalawang sunod na panalo, ambisyon ng Kings ang kanilang pinakamahabang winning streak sa conference sa pakikipagtuos nila kontra sa naghihingalong Alaska sa alas-6:30 ng gabing laro.
Hangad naman ng Boosters ang kanilang pangalawang sunod na panalo kontra sa nangungulelat na Globalport sa alas-4:15 ng hapon.
Matapos ng isang masakit na five-game losing streak ay nakabalik na sa tamang landas ang Ginebra matapos magwagi sa Batang Pier, 81-79, noong Nov. 9 sa Cuneta Astrodome at sinundan ng isang 104-101 na panalo sa two-time defending champion Talk ‘N Text makalipas ang dalawang araw sa MOA Arena.
Dahil sa mga tagumpay ay umakyat sa 4-5 ang panalo-talo karta ng Kings at ngayo’y tangkang agawin ang pang-limang puwesto sa team standings na kinaluluklukan ng Aces na matapos ang isang five-game winning streak ay natalo sa kanilang huling tatlong laro.
“The biggest thing has been our heart & the desire to win. Alam mo naman ang Ginebra. The spirit of the team since Sen. (Sonny) Jaworski is laban eh. Our aggression was more evident. Our defense was a lot better and our offense was more patient. But we’re still a work in progress. Hopefully it’ll continue to work and everybody understands more their roles,” ani Ginebra head coach Siot Tanquingcen matapos ng panalo sa Tropang Texters na pinagbidahan ng 22 puntos at 11 rebounds ni reigning league MVP Mark Caguioa at 21 ni LA Tenorio.
Ayon kay Tanquingcen, kailangan ipagpatuloy ng Kings ang kanilang magandang mga ginawa sa kanilang huling dalawang laro lalo na laban sa Alaska, bagama’t galing ang Aces sa isang masakit na 104-103 pagkatalo sa Air21 noong Miyerkules.
“Alaska is a big challenge. Every game is a struggle naman. We just have to keep improving and somehow not let these two wins make us fall in some sense of security. So that’s crucial, yung mental aspect. We have to be mentally strong,” sabi ni Tanquingcen.
“We have no control over the result. We just have to play better each game then bahala na ang Diyos sa resulta,” dagdag pa nito.
Makaraan naman ng isang three-game losing streak ay nagbalik sa panalo ang Petron Blaze nang sorpresahin ang dating pumapangalawang Rain or Shine, 96-86, noong nakaraang Miyerkules.
- Latest