Big Chill sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines - Hindi binigyan ng anumang puwang ng Big Chill ang Cebuana Lhuillier sa kabuuan ng sagupaan tungo sa 81-61 dominasyon sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 18 puntos si Mark Canlas habang sina Arvie Bringas, Mark Montilla at Terrence Romeo ay nagbigay din ng doble-pigurang produksiyon para makaangat ang Super Chargers sa 3-0 karta at makasalo sa lide-rato na hawak ng NLEX.
Inakalang magiging mahigpitan ang tagisan dahil ang Big Chill at Cebuana ang nagbakbakan sa semifinals sa nakalipas na conference na umabot sa sudden-death na pinagharian ng Super Chargers.
Tumapos sa first half ang Super Chargers ta-ngan ang 17-of-34 shooting para hawakan ang 41-28 bentahe na sapat na para tiyakin ang paglasap ng Gems ng ikalawang sunod na pagkatalo matapos ang tatlong laro.
Humugot naman ang Café France ng solidong numero mula sa limang manlalaro tungo sa magaan na 73-58 panalo sa Erase Xfoliant sa unang labanan.
Nakatulong din sa Bakers ang 27-8 palitan sa ikalawang yugto na siyang tuluyang nagbaon sa Erasers na bago ang la-rong ito ay may dalawang sunod na tagumpay.
“Naipakita nila ang kanilang character sa la-rong ito. Lumalabas na rin ang jelling,” wika ng nanalong coach na si Edgar Macaraya.
Si Roger Pogoy ay mayroong18 puntos para sa Bakers habang si Jett Vidal ay tumapos taglay ang 11 puntos para sa Erasers. (AT)
- Latest