IBO kumilos agad sa iprinotestang split decision loss ni Dapudong
MANILA, Philippines - Kumilos agad ang International Boxing Organization (IBO) sa protestang idinulog ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol matapos ang kontrobersyal na split decision pagkatalo ng alagang si Edrin Dapudong noong Linggo.
Matatandaan na dumayo ang 26-anyos na si Dapudong sa South Africa upang harapin ang kanilang pambato na si Gideon Buthelezi para sa bakanteng IBO super flyweight title.
Dinomina ni Dapudong ang laban at putok ang mukha ng katunggali at tumumba pa sa ninth round pero nakita nito ang sarili na natalo sa split decision.
Partikular na inireklamo ng manager ni Dapudong na si Piñol si US judge Michael Pernick dahil sa kuwestiyonableng iskor na ibinigay sa ninth round.
Sa halip na 10-8 dahil bagsak ang 2-division South African champion ay 10-9 lamang ang kanilang ibinigay.
Sa tugon na liham ni IBO President Ed Levine, sinabi niyang bubuo agad siya ng bagong panel ng judges na susuri sa video tape ng kinukuwestiyong laban.
“The IBO will impanel three highly respected IBO licensed boxing judges to independently review and score the fight,” wika ni Levine.
Ang desisyon ng panel ay agad namang ibibigay sa IBO Championships Committee na siyang magdedesisyon kung magkakaroon ng rematch na isa rin sa hinihingi ng kampo ni Dapudong.
“The IBO Championships Committee will review the scoring of the appointed panel and issue their decision within ten days. I trust this meets with your approval,” pagtatapos ni Levine sa liham na ipinabigay din kay IBO chairman John Daddono.
Pinasalamatan naman ni Piñol ang maagang aksyon na ito ni Levine kasabay ng paniniwalang matibay ang kanilang ipinaglalaban upang makakuha ng rematch.
- Latest