Chicago nalo sa Orlando
CHICAGO -- Umiskor si Luol Deng ng 15 sa kanyang 23-puntos sa second half upang pangunahan ang Chicago Bulls sa 99-93 panalo kontra sa Orlando nitong Martes ng gabi na siyang unang pagkatalo ng Magic matapos ang 2-0 start.
Pinangunahan nina Deng at Nate Robinson ang 15-2 second half produksiyon nang bumangon ang Chicago mula sa limang puntos na pagkakahuli at lumamang ng walong puntos.
Kumana si Robinson ng magkasunod na jumpers upang ilagay ang Bulls sa 74-70 kalamangan sa kaagahan ng fourth quarter.
Nagtala naman si Joachim Noah ng 20-points, 9 rebounds at 5-blocks para sa Chicago.
Sa Oklahoma City, ipinagpag ni Russell Westbrook ang pananakit ng balikat upang umiskor ng 19-puntos nang igupo ng Thunder ang Toronto Raptors, 108-88.
May suot na itim na sleve pad, nilimitahan ni Westbrook ang top scorer ng Toronto na si Kyle Lowry sa dalawang puntos sa kanyang 1-of-4 shooting.
Lumabas si Lowry, may 1:29 minuto na lamang ang natitira sa ikalawang quarter na may right ankle sprain at hindi na nakabalik pa sa laro.
Sa Denver, umiskor si Andre Igoudala ng anim sa kanyang 17-puntos sa huling 3-minuto ng laro nang igupo ng Nuggets ang Detroit, 109-97.
- Latest