Arce plano nang magretiro
MANILA, Philippines - Inihahanda na ni Mexican Jorge Arce ang kanyang sarili sa pagreretiro anuman ang mangyari sa kanilang laban ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sa panayam ng BoxingScene.com, inamin ni Arce na plano na niyang isabit ang kanyang mga boxing gloves ngayong taon.
“Retirement is close. If I lose with Donaire I will retire but I am going out knowing that I lost against the best. But what if I win? I could go out as the best,” sabi ng 33-anyos na si Arce na hahamon sa 29-anyos na si Donaire sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas. “
Itataya ni Donaire (30-1-0, 19 KOs) ang kanyang mga suot na IBF at WBO super bantamweight titles laban kay Arce (60-6-2, 46 KOs).
Si Arce ang nakalaban sana ni Donaire noong Oktubre sa Home Depot Center sa California at hindi si Japanese superstar Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka kundi lamang ito umatras dahil sa mababang premyo.
Nakuha ni Donaire ang WBO 122-pound crown via split decision win laban kay Wifredo Vazquez Jr. noong Pebrero bago inagawan ng IBF title si Jeffrey Mathebula noong Hulyo.
Katulad ni Donaire, nagkampeon din si Arce sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight divisions.
Pormal na ihahayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang Donaire-Arce championship fight sa Huwebes.
- Latest