Para tutukan nang husto ang kanilang paghahanda: Training camp ni Pacquiao ipinasara ni Roach sa mga miron at pastor
MANILA, Philippines - Sa tuwing matatapos ang kanyang taining sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California ay makikita si Manny Pacquiao na naglalaro ng chess.
Kung hindi man mga piyesa ng chess ay ang Bibliya ang hawak ni Pacquiao.
Kalmado at wala nang masyadong iniisip ang Filipino world eight-division champion kumpara sa kanyang naging paghahanda laban kay Timothy Bradley, Jr. kung saan siya natalo via split decision noong Hunyo 9.
Kahapon ay naging istrikto na si chief trainer Freddie Roach kaugnay sa mga pumapasok sa kanyang boxing gym.
Maging ang mga pastor na palaging bumibisita kay Pacquiao bago ang kanilang upakan ni Bradley ay hindi na rin nakikita sa Wild Card Gym.
Kumpiyansa si Roach na maibabalik niya ang 25-anyos na Pacquiao sa pagsagupa kay Juan Manuel Marquez sa ikaapat na pagkakataon sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sinimulan na ni Pacquiao ang kanyang pakikipag-spar kina Mexican-American Ray Beltran at Russian fighter Suhrab Shidaev.
Inaasahan ring makaka-spar ng 33-anyos na si Pacquiao sina Russian boxer Ruslan Provodnikov, nakatuwang niya sa paghahanda laban kay Bradley, at welterweight Frankie Gomez.
Maghaharap sina Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) at Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa isang non-title, welterweight fight.
Samantala, inaasahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na mapapanalisa niya ang laban nina unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. (30-1-0, 19 KOs) at Mexican great Jorge Arce (60-6-2, 46 KOs) sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
“Well, that certainly looks like it’s coming into play. And we still have to get contracts back,” ani Arum. “We’ll have an announcement shortly and hopefully a press conference in Houston next week.”
- Latest