Elma target ang gold sa Asia Masters
MANILA, Philippines - Nakatakdang sumabak si Elma Muros-Posadas, ang dating long jump queen ng Asya, sa 17th Asia Masters Athletics Championships sa Chinese-Taipei.
Babanderahan ni Muros-Posadas ang grupo ng mga beteranong naghahangad na makapag-uwi ng 10 gintong medalya sa naturang event.
Bukod kay Muros-Posadas, ang ilan pang kasama sa 24-athlete team ay sina dating Southeast Asian Games medallists Lerma Bulaitan-Gabito, Emerson Obiena, Erlinda Lavandia, Antonio Chee, Elenita Punelas, Danny Jarin at John Lozada.
Nakatakda ang torneo sa Nobyembre 2 hanggang 7.
Ang nasabing grupo ang kumuha ng limang gintong medalya sa nasabing event noong 2010 na idinaos sa Malaysia.
Sasabak si Muros-Posadas sa long jump, 100 at 200-meter run at sa 4x100m relay.
Maaari pa siyang sumali sa kanyang pang limang event.
Lalahok si Obiena sa men’s century dash at pole vault, habang lalaban si Lavandia sa shot put, javelin at discus throw events.
Kakampanya si Chee sa pole vault at javelin throw, samantalang maglalaro si Punelas sa long jump at 4x100 relay at sasali si Bulaitan-Gabito sa long jump at 4x100 relay.
Si Jarin ay mapapanood naman sa hammer at discus throw events ng torneo.
- Latest