Trader at misis inaresto sa Pampanga, hindi dinukot
Sangkot sa ‘investment scheme’
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Hindi dinukot kundi inaresto sa bisa ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Batangas Police ang isang negosyante at misis nito na isinasangkot sa “investment scheme”, sa Angeles City, Pampanga noong Biyernes.
Isinilbi ng mga awtoridad kina Soliman Villamin Jr., 42-anyos, may-ari ng DV Boer Farm at Lovely Corpus, 37, ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rebecca Ramas de Guzman ng Binangonan RTC Branch 68 dahil sa kasong swindling. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mag-asawa.
Sa ulat sa Calabarzon Regional Police Office sa Calamba City, alas-8:15 ng gabi noong nakaraang Biyernes nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Lian Police ang mag-asawa sa Barangay Pampanga.
Una nang napaulat na dinukot ng mga armadong lalaki ang mag-asawa at nagawa lang makatakas ng kanilang driver matapos bugbugin.
Nabatid na may na-kabinbing mga arrest warrants ang mag-asawa gayundin ang kanilang mga kasosyo sa kanilang farm business dahil sa kasong swindling at large scale estafa.
Una na rin dumulog sa National Bureau of Investigation ang ilan sa mga nagrereklamo laban kay Villamin matapos na hindi matupad ang mga pangako nito base sa kanilang “investment scheme.”
- Latest