Hiyasmin (230)
“GULAT na gulat sina Inay at Itay nang dumating ako sa bahay. Hindi sila nakapagsalita ng ilang segundo. Niyakap ko sila nang mahigpit. Habang yakap, umiiyak ako. Maraming luha ang umagos sa pisngi ko. Alam ko, mauunawaan nina Inay ang nangyari sa akin. Hindi nila ako kamumuhian at kasusuklaman.
“Makaraan ang aming pagkukumustahan at pagyayakapan, sinabi ko sa kanila ang ang nangyari sa akin. Umibig at nagmahal ako sa anak ng aking amo hanggang sa may mangyari sa amin at nagbunga iyon—buntis ako.
“Sinabi ko rin sa kanila na hindi na nagpakita sa akin ang nakabuntis sa akin. Umiwas sa pananagutan. Ipinasya kong umalis dahil baka mas malaking problema ang kaharapin ko at maaring makulong dahil nabuntis ako na walang asawa.
“Gumawa ako ng paraan para makauwi. Kailangang makaalis ako habang hindi pa halata ang pinagbubuntis ko.
“Nagdahilan ako na may namatay sa pamilya kaya kailangan kong umuwi sa lalong madaling panahon. Madaling pumayag ang aking mga amo kaya nakauwi agad ako. Nakahinga ako nang maluwag nang makababa na ang eroplano. Matiwasay akong nakauwi pero nag-aalala na baka hindi ninyo ako tanggapin dahil sa aking nagawa na nabuntis na walang ama ang isisilang na sanggol.
“Bigla akong niyakap ni Inay. Umiyak siya. Kahit na ano pa raw ang mangyari sa akin, tatanggapin nila ako. Hindi raw sila nagagalit sa akin at hindi kamumuhian.
“Masayang-masaya ako sa sinabi ni Inay. Sabi ko na nga ba’t mauunawaan nila ako. Hindi nila ako pababayaan sa kabila ng mga nangyari.
“Tama raw ang ginawa ko na umalis na sa aking mga amo. At sabi ni Inay, mabuti raw at hindi ko naisip na ilaglag ang nasa sinapupunan ko. Sabi ko kay Inay, kahit na ano pa ang mangyari, hindi ko kikitlin ang buhay ng anak ko. Gusto ko siyang makita at makapiling.
“Hanggang sa lumaki na ang aking tiyan. Hindi ko ikinahiya na nabuntis ako. Lumalabas ako sa bahay at pinakikita sa aming kapitbahay na buntis ako. Kaysa itago, dapat ilantad ang nangyari para hindi pag-usapan.
Itutuloy
- Latest