Hiyasmin (176)
“AKALA ko hindi ka pupunta rito, Sir Dax,’’ sabi ni Hiyasmin makaraang isara at i-lock ang pinto.
“Kanina pa sana ako pupunta rito—mga 11:00 pero nasa salas pa si Nanay at nanonood ng TV. Makikita ako kapag nagtungo rito.’’
Lihim na napangiti si Hiyasmin. Pero hindi siya nagpahalata.
“Mabuti at umalis sa salas si Nanay?’’ tanong ni Hiyasmin.
“Oo. Inaantok na siguro. Nang umalis sa salas saka ako nagtungo rito.’’
“Akala ko nga nalimutan mo. Matutulog na nga sana ako,’’ sabi ni Hiyasmin at nagkunwaring humikab.
“E di bukas na lang ako babalik kung inaantok ka na.’’
“Ngayon pa? Narito ka na e di ituloy mo na.”
“Okey lang sa’yo?’’
“Oo naman. Kanina pa nga ako naghihintay,’’ sabi ni Hiyasmin at humilata sa kama.
Hindi naiwasan ni Dax na sumulyap sa suot ni Hiyasmin. Pero binawi rin agad.
“Maupo ka. Gusto mo sa silya o sa kama?’’ tanong ni Hiyasmin.
“Puwede dito sa gilid ng kama?’’
“Oo. Kahit dito sa gitna.’’
Naupo si Dax sa gilid.
“Ano ba yung sasabihin mo?’’ tanong ni Hiyasmin.
Huminga si Dax. Tumingin kay Hiyasmin.
“Ano?’’
“E, hindi ka ba magagalit Hiyasmin?’’
“Hindi ako magagalit. Mas magagalit ako kapag hindi ka pa nagsabi ngayon. Kaya sabihin mo na!’’
Napalunok si Dax.
(Itutuloy)
- Latest