Nag-iisip na si Hiyasmin kung bakit hindi pa dumarating si Dax. Alas dose na ng hatinggabi. Baka umatras na naman si Dax? Baka sinalakay na naman ng pagkadungo?
Pinakalma ni Hiyasmin ang sarili. Hindi siya dapat mag-isip ng kung anu-ano. Kung minsan ang pag-iisip ng negatibo ay kadalasang iyon ang nangyayari.
Nangako sa kanya si Dax na pupunta ngayon at sasabihin ang mga hindi nasabi nang nakaraang gabi.
Binantaan pa niya si Dax na hindi kakausapin kapag hindi tinupad ang pangako.
At sa tangin ni Hiyasmin ay natakot si Dax sa banta niya.
Pero sa loob-loob ni Hiyasmin, banta lang niya iyon at hindi siya seryoso na hindi nga ito kakausapin. Maari ba naman niyang hindi kausapin ang lalaking malaki ang nagawa sa kanyang buhay?
Hindi niya iyon magagawa sa tanging lalaki na minahal niya.
Sumapit ang 12:30 ng hatinggabi. Wala pa si Dax.
Tumayo siya at sinipat ang sarili sa salamin ng tokador.
Magugulat kaya si Dax kapag nakita siya?
Eksaktong 12:35 may narinig siyang katok. Tatlong sunud-sunod na katok.
Si Dax na marahil.
Tinungo ni Hiyasmin ang pinto. Binuksan.
Si Dax nga!
Pumasok si Dax.
“Ba’t ngayon ka lang?” tanong ni Hiyasmin.
“Si Nanay kasi gising pa. Nasa salas! Baka makita ako!”
(Itutuloy)