“Mahal mo naman si Dax di ba, Hiyasmin?’’ tanong ni Nanay Julia.
“Opo Nanay. Pero hindi ko naman alam kung ganundin ang nararamdaman niya para sa akin.’’
“Mahal ka rin niya—sigurado ako, Hiyasmin.’’
“Baka ako lamang po ang nagmamahal—unfair naman.’’
“Hindi. Nagtapat siya sa akin, Hiyasmin.’’
“Sinabi po sa iyo na mahal niya ako?’’
“Oo. Kaya nga siya nagtungo sa kuwarto mo kagabi para magtapat.’’
“Pero bakit po walang masabi kahit isang salita ukol dun.”
“Torpe nga kasi—dungo at tiyope. Hindi niya kayang ilabas ang nasasaloob sa babae.’’
“Pinipilit ko nga po kagabi pero wala talaga.”
“Talagang walang nasabi sa iyo?”
“Wala po. Saka na lang daw at lumabas na ng kuwarto. Bakit kaya sobra ang pagkatorpe niya? Kapag nag-uusap naman kami ay okey naman. Nagbibiro pa nga siya. Bakit pagtungkol sa pagkagusto niya sa akin e walang masabi.’’
“Mana siguro sa tatay niya—torpe rin kasi ang asawa ko!’’
“Paano kayo naging mag-asawa, Nanay?’’
Inilapit ni Nanay ang bibig sa taynga ni Hiyasmin at binulong, “Ako na ang gumawa ng hakbang. Kasi kung hihintayin ko pang magtapat, walang aasahan.’’
Gustong humalakhak ni Hiyasmin. Sa tatay pala nagmana ng pagkatorpe si Dax. Namamana pala ang pagkatorpe.
“Kaya Hiyasmin, parang awa mo na, ikaw na ang gumawa ng hakbang. Pareho naman na gusto n’yo ang isa’t isa—e di ikaw na ang mag-umpisa. Kasi talagang walang aasahan na magtapat itong manok ko—mahiyain.’’
Hindi alam ni Hiyasmin ang isasagot sa matanda. Nalilito siya.
Maya-maya, nakita nila na paparating si Dax para mag-almusal.
(Itutuloy)