“ALAM mo po Nanay na pumasok sa kuwarto ko si Sir Dax?’’ tanong ni Hiyasmin na itinigil ang pagluluto sa itlog.
“Oo.’’
“Paano mo po nalaman Nanay.’’
“Sinabi sa akin ni Dax. Kakausapin ka raw. May mahalaga raw siyang sasabihin sa iyo. Tinanong ako kung walang masama na kausapin ka kahit gabing-gabi na. Sabi ko sa kanya makiusap sa iyo.’’
“Nakiusap nga po sa akin—puwede raw ba akong makausap. Mahalaga nga raw. Nag-atubili nga po ako na papasukin siya at baka makita mo. Nang matiyak ko na wala namang nakakakita, pinapasok ko. Halata ko nga po na mahalaga ang sasabihin.’’
“O e ano ang sinabi sa iyo Hiyasmin? Nagtapat ba?’’
Bahagyang tumawa si Hiyasmin.
“Wala pong sinabi, he-he-he!’’
“Ano? Walang sinabi?’’
“Opo.’’
“Bakit?”
“Hindi raw niya alam kung paano sasabihin. Pinipilit ko po siya na sabihin kung anuman ‘yun. Pero hindi po niya masabi.’’
“Talagang napakatorpe ng anak kong yun.’’
“Hindi raw po niya kaya—sa ibang araw na lamang daw.’’
Napailing-iling ang matanda.
“Ikaw na ang bahala sa kanya, Hiyasmin. Ikaw na ang gumawa ng paraan. Kaya mo ba?’’
Natigilan si Hiyasmin.
(Itutuloy)