“ANONG ibig mong sabihin, Sir Dax?’’ tanong ni Hiyasmin na tila naguguluhan. Ilang beses na siyang nag-iisip sa mga sinasagot sa kanya ni Dax. Hindi niya alam kung totoo ba ang sinasabi nito o hindi.
“Gusto ka sigurong maging manugang,’’ sagot uli ni Dax.
“Paano?’’
Hindi na nasagot ni Dax ang tanong ni Hiyasmin sapagkat tinawag ito ni Nanay Julia.
“Hiyasmin halika at ituturo ko sa’yo ang paggawa ng Bistik Tagalog. Madali lang ito.’’
“Opo Nanay sandali po,’’ sagot niya at saglit na tumingin kay Dax. Iniwan na niya si Dax at nagtungo sa kusina.
“Ano po yan, Nanay?’’
“Bistik Tagalog.’’
“Ay gusto kong matutuhan ‘yan, Nanay. Paano po ang paggawa?’’
Itinuro ng matanda ang paggawa ng Bistik Tagalog.
Nang matapos ang pagtuturo, pasimpleng nagtanong si Nanay kay Hiyasmin.
“Ano ang tinanong sa’yo ni Dax? Nakita ko kinakausap ka kanina.’’
“’Yun pong pinag-usapan natin kagabi. Binuking ko ang pagkukuwento niya sa iyo na naka-panty lang ako sa pagtulog. Sabi ko bakit kinuwento pa niya sa iyo.’’
“Hindi naman nagalit?’’
“Hindi naman po.’’
“Buti naman. Basta tayong dalawa lang ang nakakaalam ng pinag-usapan natin Hiyasmin. Basta natutuwa ako na may gusto ka kay Dax. Gusto kitang maging manugang.’’
KINAGABIHAN, hindi makatulog si Hiyasmin. Sana hindi muna niya sinabi kay Nanay Julia na may pagtingin siya kay Dax.
Itutuloy