“MAYROON ba akong nasabi na hindi mo nagustuhan o may ikinilos akong mali? Mayroon ba, Sir Dax?” tanong ni Hiyasmin makaraang tabihan sa pagkakaupo si Dax na noon ay nagbabasa.
“Wala naman, Hiyasmin.’’
“E bakit napansin ko nitong mga nakaraang araw na parang wala kang gana at tila yamot sa akin.”
“Hindi naman. Pakiramdam mo lang siguro yun.’’
“Sir Dax, matagal-tagal na rin tayong magkasama at kabisado ko na ang ugali mo. Hindi ka naman bugnutin o mayamutin noon pero ngayon ay nagbago ka na.”
“Aba hindi!’’
“Sabihin mo na kung ano ang ikinainis mo sa akin. Tatanggapin ko at babaguhin para hindi ka na magalit o magtampo kaya.’’
“Wala nga.’’
“Sige na, sabihin mo na. Hindi kasi ako komportable kapag nararamdaman ko na may tampo o inis ka sa akin.’’
“Wala naman talaga akong tampo, Hiyasmin.”
“Magsabi ka ng totoo. Hindi ako aalis dito sa tabi mo hangga’t hindi mo sinasabi.”
“Wala nga akong galit, tampo o inis.”
“Sige huhulaan ko na lang kung bakit inis ka sa akin. Palagay ko yun ang dahilan.’’
Napamaang si Dax.
“Dahil nakikipag-usap ako kay Toti ano? Nakita mo kaming nag-uusap sa lobby. Yun ang ikinainis mo ano? Huwag kang tatanggi.”
“E.. kuwan…”
“Totoo ang sinabi ko ano? Umamin ka, Sir Dax.”
“E…’’
“Totoo ano?’’
Tumango si Dax.
“E di tama ako. Kaya ka naiinis e dahil kay Toti na kasamahan ko. Pero wala namang masama na makipag-usap ako sa kanya. Isa pa, bading si Toti. Kalat na kalat sa opisina. Balita nga na ‘papa’ niya ang janitor naming pogi. Mabait lang sa akin si Toti kaya ako ang gustong kausap.’’
Nagliwanag ang mukha ni Dax. Sumaya.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na bading yun?’’
“E malay ko bang pinagseselosan mo yun?’’
Nabigla si Hiyasmin sa nasabi.
“Ay sori Sir Dax.’’
Itutuloy