Mula nang pagsabihan ni Dax si Hiyasmin na huwag agad-agad magpapadala sa pambobola ng mga lalaki, kapansin-pansin na parang naging bugnutin ito. Parang naging sumpungin at hindi naging palaimik. Nailang si Hiyasmin dahil hindi naman ito dating ganun. Nanibago siya. Bakit kaya? Iyon ang tinatanong ni Hiyasmin sa sarili. Pero sa bandang huli, naisip ni Hiyasmin na baka marami lamang itong trabaho sa opisina. Minsan kasi, nasabi ni Sir Dax sa kanya na tambak ang trabaho at hindi na makapagpahinga man lang.
Kapag nasa bahay sila ay madalas na nagbabasa lang si Sir Dax habang nasa salas. Dati kapag walang pasok ay nakikipagkuwentuhan ito sa kanya at nakikipagbiruan. Ngayon ay parang walang gana at laging nakasubsob sa pagbabasa. Tingin ni Hiyasmin ay naging masungit si Sir Dax. At hindi siya sanay sa ganun sapagkat mula nang makilala niya si Sir Dax ay palangiti at palabati ito.
Minsan, hindi na nakatiis si Hiyasmin at nilapitan ang nagbabasang si Dax.
“Sir Dax, puwede ka bang makausap nang masinsinan?’’
“Tungkol saan?’’
“Kasi napapansin ko nitong mga nakaraang araw na parang wala kang gana. Tingin ko rin naging masungit ka? Mayroon ba akong nagawang mali?”
Napatitig si Dax kay Hiyasmin.
(Itutuloy)