“TOTOO ba ang sinabi mo, Hiyasmin?’’ tanong ni Dax na hindi makapaniwala.
“Oo, Sir Dax. May sinabi ba ako sa’yo na aalis dito kapag nakatapos ako ng studies ko?’’
“Ha? A e hindi. Siguro’y sa isip ko lang ‘yun. Baka sobra lang akong nag-iisip dahil malapit na ang graduation mo. Pasensiya ka na.”
“Sabagay Sir Dax, naisip ko rin ‘yan. Darating ang araw na maghahanap ako ng trabaho pagka-graduate. At siyempre kung nasaan ang trabaho ko, dapat malapit lang dun ang tirahan ko. Pero sa dakong huli, nagbago ang pasya ko—hindi ako aalis dito kahit pa malayo ang work ko. Pero iyon ay kung hahayaan mo pa akong tumira rito. Baka naman asang-asa ako na magkakaroon ng extension ang pagtira rito e ayaw mo na pala.’’
Nagtawa si Dax.
“Bakit naman ako aayaw kung dito mo pa rin gustong tumira? E kaya nga sinabi ko sa iyo kanina na huwag ka munang umalis dito—nakikiusap pa nga ako di ba?’’
“Gusto ko lang makatiyak na gusto mo pa ako ritong tumira. Malay ko ba kung ayaw mo na akong kasama rito?’’
“Naku, gustung-gusto nga kitang kasama!’’
“Malay ko kung napipilitan ka lang.’’
“Hindi.’’
“E di kung ganun patuloy ang pagtira ko rito. Pero kapag nagtatrabaho na ako, magbabayad na ako ng renta. Nakakahiya kung libre pa rin. Magkano naman kung uupa ako, Sir Dax?”
“Di ba sabi ng nanay ko, huwag kitang mamahalan?’’
“Magkano nga?’’
“Piso!’’
“Para itong sira! Magkano nga?’’
“Wala ka nang bayad. Gusto mo akong makonsensiya?’’
“Bakit naman?’’
“Basta wala ka nang bayad, forever!”
(Itutuloy)