“GUSTO mo ba ng siopao?” tanong ni Dax nang hindi agad makasagot si Hiyasmin nang tanungin niya kung ano ang gustong pasalubong pag-uwi niya mamayang hapon.
“May masarap na siopao sa restaurant na malapit sa opis,’’ sabi pa ni Dax.
“A e sige Sir Dax. Matagal na rin nga akong di nakakakain ng siopao.’’
“Sige, pasasalubungan kita mamaya. Maaga akong lalabas sa opis kaya mga 3:00 p.m. narito na ako. Siguro bibili na rin ako ng mami para yun na lang ang hapunan natin. Puwede ano?”
“Opo. Para hindi na ako magluluto mamayang gabi.’’
“Sige. Aalis na ako.’’
“Ingat ka Sir Dax.’’
Umalis na si Dax.
Naiwan si Hiyasmin na nag-iisip. Napakabait talaga ni Sir Dax na pati pasalubong ay dadalhan siya. Bakit kaya naisipang pasalubungan siya?
Saka naisip, tapos na ang pasya niya na hindi muna aalis sa bahay na ito kahit siya nakapagtapos at nagtatrabaho na.
Hindi niya basta maiiwan si Sir Dax na nasanay na sa mga ginagawa niya sa bahay. Walang mag-aasikaso ng mga damit nito, walang magluluto at maglilinis ng bahay. Hindi niya makakayang iwan ang taong pinagkautangan niya ng lahat.
KINAHAPUNAN, dakong 2:00 p.m. ay dumating si Sir Dax bitbit ang pasalubong—siopao at mami.
“Tamang-tama mainit ang mami at siopao. Kumain tayo, Hiyasmin,’’ sabi ni Dax.
Inilapag niya ang pagkain sa mesa.
“Bakit ang aga mo Sir Dax?’’
“Maagang natapos ang ginagawa ko. Tamang-tama naman na malapit sa opis ang tindahan nitong masarap na mami at siopao. Kain na tayo habang mainit.”
Masaya silang kumain habang nagkukuwentuhan.
Itutuloy