Hiyasmin (84)

“PERO kung malayo ang work mo dito sa bahay, hindi kita pipilitin, Hiyasmin. Siyempre dapat malapit ang tirahan sa trabaho,’’ sabi ni Dax pagkaraan.

“Sabagay po. Lalo’t ma­s­yadong matrapik ngayon.’’

“Kung magagawa mo, dapat walking distance lang ang opisina sa bahay. Ma­kakapag-exercise ka na e lagi ka pang on time.’’

Napatango si Hiyasmin.

“Sinasabi ko lang naman ‘yan para nakakapag-prepare ka na kung sakali. Ang pagtatrabaho ang hahantungan mo kaya mabuti nang may plano. Pero kung gusto mong manatili rito, welcome ka any time.’’

“Salamat po.’’

“Basta ang wish ko sa’yo ngayon, makakita ka agad ng work.’’

“Salamat Sir Dax.”

 

SABADO. Nag-iisa sa bahay si Hiyasmin. Nag-overtime si Dax at hapon pa darating.

Naglilinis sa salas si Hiyasmin nang may kumatok sa gate.

Dali-daling sumilip sa bintana si Hiyasmin.

Ang tatay at nanay ni Dax ang dumating!

Nagmamadaling lumabas si Hiyasmin para buksan ang gate.

“Magandang umaga, Nanay, Tatay!’’ bati niya nang makapasok ang mag-asawa. Nagmano siya.

“Kumusta ka Hiyasmin? Na-miss kita,’’ sabi ng nanay.

“Okey lang po. Na-miss ko rin po kayo ni Tatay. Halina po sa loob,’’ anyaya ni Hiyasmin at kinuha ang bitbit na bag ni Tatay. Pumasok sila sa bahay.

“Nasaan si Dax, Hiyasmin?” tanong ng nanay.

“Nag-overtime po.’’

“Nag-oobertaym pa siya e marami namang pera!’’ sabi ng nanay.

“Hapon na raw po siya uuwi.’’

“Mabuti pala at narito ka? Paano kung pumasok ka sa school?’’

“Wala po akong pasok ‘pag Saturday.’’

Maya-maya, may sinabi si Nanay kay Hiyasmin.

“May pasalubong ako sa’yo, Hiyasmin. Sana magustuhan mo.’’ (Itutuloy)

Show comments