MAY pagkakataon na kapag nag-iisa si Dax ay iniisip niya ang mga mangyayari kapag nakatapos na ng pag-aaral si Hiyasmin.
Dahil tapos na ito, siyempre aalis na rito sa bahay niya.
Saan kaya titira si Hiyasmin?
Siguro ay makakakita na ito ng sariling tirahan. Dahil magkakaroon ng trabaho, puwedeng kumuha ng unit sa condo.
Sa palagay niya ay madaling makakahanap ng trabaho si Hiyasmin dahil matalino ito. Marunong tumindig sa sariling mga paa at mahusay magdesisyon. Karaniwang ang mga babaing tulad ni Hiyasmin ang nagtatagumpay sa buhay.
Kapag umalis na si Hiyasmin dito, balik siya sa pag-iisa. Wala na siyang makakausap o makakakuwentuhan.
Wala na ring maglilinis ng banyo at mismong bahay.
At higit sa lahat, walang magluluto sa umaga at sa hapunan. Mula nang tumira rito si Hiyasmin, ito na ang gumawa ng mga dati niyang ginagawa.
Mahihirapan at maninibago siya kapag wala na rito si Hiyasmin.
Baka hindi na niya kayanin ang ginagawa?
Napabuntunghininga si Dax.
Ano kaya at sabihin niya kay Hiyasmin na kahit nakatapos na at nagtatrabaho ay dito pa rin tumira?
Puwede siguro ‘yun.
Kahit mababa ang ibayad na renta ay okey sa kanya.
Sabihin kaya niya kay Hiyasmin?
Itutuloy