Ano ang fatty liver at paano ito maiiwasan
Ang fatty liver ay isang kondisyon kung saan nababalot ng taba ang atay at kadalasan ay nakikita ito sa mga edad 40’s at 50’s. Kung may fatty liver, kadalasan ay mataas din ang kolesterol sa dugo, blood sugar at uric acid. Malamang ay sobra rin sa timbang at malapad o malaki ang tiyan.
Malalaman na may fatty liver ang pasyente sa pamamagitan ng Ultrasound ng atay o Ultrasound of the Whole Abdomen. Tumataas din ang liver enzymes o SGPT. May taong nakararamdam ng pananakit sa kanang bahagi ng tiyan. Ang iba naman ay walang sintomas.
Minsan ay lumalala ang fatty liver at umaabot sa pamamaga ng atay at liver cirrhosis.
Kadalasan, wala itong sintomas pero sa ibang pasyente ay lumalaki ang atay, makirot sa kanang bahagi ng tiyan at madaling mapagod.
Ayon sa mga eksperto, maaaring may kaugnayan ang fatty liver sa pagiging mataba, mataas na asukal sa dugo o diabetes, mataas ang triglyceride at kolesterol. Ang iba pang risk factor ay PCOS o Polycystic ovary syndrome, hypothyroid at iba pang sakit.
Para maiwasan ang fatty liver, sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Itigil ang pag-inom ng alak. Kahit isang patak ng wine, beer or hard drinks ay huwag nang subukan pa. Ihinto na rin ang paninigarilyo.
2. Magpapayat kung sobra ka sa timbang. Kapag nagbawas ka ng timbang, puwedeng mabawasan din ang taba sa iyong atay.
3. Umiwas sa pagkain ng matataba at matatamis na pagkain. Limitahan ang pagkain ng cake, mantikilya, ice cream at karneng baboy at baka. Umiwas o bawasan na rin ang pag-inom ng matatamis na inumin tulad ng soft drinks at iced tea.
4. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng maberdeng gulay at isda. Puwedeng kumain ng prutas pero huwag din sosobrahan ito dahil ito’y matamis din.
5. Gumalaw-galaw at mag-ehersisyo. Kapag nabawasan ang taba sa iyong katawan, mababawasan din ang taba sa atay.
6. Kung ikaw ay may diabetes, gamutin ito. Kumonsulta sa inyong doktor.
7. Kung mataas ang iyong kolesterol sa dugo, ibaba ito sa pamamagitan ng diyeta at gamot.
8. Kumain ng yogurt. Ayon sa isang pagsusuri, may tulong ang good bacteria sa yogurt sa paggamot sa fatty liver. Hindi pa ito tiyak pero pwede ninyong subukan.
9. Huwag basta-bastang uminom ng kahit anong tableta, supplements o vitamins.
10.Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas araw-araw.
11.Puwedeng kumain ng mais, patatas, kamote, ube at kamoteng kahoy. Magbawas sa kaning puti.
12.Mabuti ang protina galing sa isda, mongo, karne, manok na walang taba, low fat milk, yogurt at soya milk.
13.Piliin ang healthy fats tulad ng mani, kasoy, garbanzos at olive oil. Umiwas sa butter o krema, mayonnaise at sebo.
14.Panatilihin ang tamang timbang at regular na mag-ehersisyo.
15.Tubig ang pinakamagandang inumin para sa iyo. Umiwas sa matatamis na inumin.
16.Huwag maniwala sa mga sabi-sabi. Itanong muna sa inyong doktor kung makasasama ba ito sa iyong atay.
17.Pagdidiyeta, ehersisyo, paggamot sa diabetes at mataas na kolesterol ang lunas sa fatty liver.
- Latest