Hiyasmin (33)
PINURI ni Dax ang luto ni Hiyasmin.
“Ang sarap ng sinigang mo, Hiyasmin! Bakit pag ako ang nagluluto, hindi ganito?’’
“Simpleng sinigang lang po sa kamatis ‘yan, Sir Dax.”
“Ang sarap!’’
“Salamat po.”
“Siyanga pala ibigay mo sa akin ang lists ng nagastos mo sa pamamalengke at babayaran kita.’’
“Opo.’’
“Dapat siguro bigyan na kita ng perang pamalengke ano? Para hindi ka na gumagastos ng sarili mong pera. Bukas bibigyan kita.’’
Tumango si Hiyasmin.
“Mapaparami ang kain ko dahil sa luto mo,’’ sabi ni Dax at nagtawa.
Maya-maya ang tungkol sa nangyari sa school ang naitanong ni Dax.
“Kumusta naman ang klase mo kanina?’’
“Okey naman, Sir Dax. Medyo marami na kaming activities dahil nasa senior year na. Pinagsa-submit na kami ng topic para sa thesis.’’
“Ah oo. Ganyan din kami noong nag-aaral pa. Magiging busy ka na. Pero palagay ko kayang-kaya mo naman.’’
“Kakayanin ko po.’’
“Kapag mayroon kang kakailanganin o mga babayaran e sabihin mo sa akin. Huwag kang mahihiya. Alam ko kapag nasa senior year na e maraming babayaran.’’
“Ipaalala ko sa’yo Sir Dax.’’
KINABUKASAN hindi lamang pala pagluluto ang ginagawa ni Hiyasmin pagkatapos lumabas ng school. Pati paglalaba ng maruruming damit ay ginagawa na rin nito.
Hinahanap ni Dax ang kanyang maruruming damit pero hindi niya makita. Tinanong niya si Hiyasmin.
“Nakita mo ba maruruming damit ko?’’
“Nilabhan ko na po!”
Napangiti na lang si Dax.
Itutuloy
- Latest