Hiyasmin (30)
“Hindi po kasi kasali sa usapan natin na pakakainin mo ako Sir Dax kaya natitigilan ako,’’ sabi ni Hiyasmin.
“Sabi ko na nga ba kaya ka natitigilan. Sige, kain na. Mula ngayon, kasali ka na sa pagkain.’’
“Napakabuti mo Sir Dax.’’
“Kasi napakasama ko naman kung kumakain ako rito at ikaw ay hindi. Hindi ako ganun katigas ang damdamin. Kaya kapag kumain ako, kakain ka rin.’’
“Salamat po uli.’’
“Sige kain na. Mukhang masarap ang pagkakagisa mo ng repolyo at carrots.’’
Naupo na si Hiyasmin.
Kumuha si Dax ng gulay. Kumutsara at tinikman.
“Sarap nga. Mapaparami ang kain ko nito. Masarap ka palang magluto.’’
“Ganyan din po kasi ang niluluto ko sa bahay ng stepfather ko.’’
“Ikaw din ang nagluluto roon?’”
“Opo. Kapag wala akong pasok sa school at pabrika ako ang gumagawa. Nagpaparinig po kasi ang stepfather ko.”
“Pero di ba may trabaho ka naman? Hindi ka naman niya palamon di ba?’’
“Kasi sa bahay niya ako nakatira. Kaya nga po pinilit kong makaalis bukod sa pinagnanasaan niya ako.’’
“Parang ang kuwento ng buhay mo ay yung mga napapanood sa TV na pinag-iinteresan ng mga manyakis na lalaki. Totoo palang nangyayari ang ganun.’’
“Opo. Hindi po kathang isip ang nangyayari sa buhay ko.’’
“Kaya talagang nagpumilit ka na umalis dun.’’
“Opo. At ngayon ko rin po napatunayan na may taong katulad mo na handang tumulong sa mga katulad ko.’’
“Sa totoo lang, Hiyasmin, ayaw ko talaga na may kasama sa bahay. Pero nang marinig ko ang story mo, nabago ang plano ko. May pagkakataong dapat isantabi ang pansariling kapakanan para makatulong sa iba.’’
“Hindi po matatapos ang pasasalamat ko sa’yo Sir Dax.’’
“Sige kain na at baka magkaiyakan pa tayo.’’
Pagkatapos kumain, si Hiyasmin ang nagligpit ng pinagkainan.
“Ako na po ang maghuhugas.”
“Pagod na pagod ka na.’’
“Hindi po.’’
(Itutuloy)
- Latest