NANG mag-alas onse ng tanghali, inihanda ni Dax ang kanyang lulutuin para sa lunch. Maggigisa siya ng repolyo at carrots at magpiprito ng bangus. Dadagdagan na niya ang lluluto para kay Hiyasmin. Kahit wala sa usapan nila na pakakainin niya si Hiyasmin, isasama na niya. Kawawa naman. Isa pa pagod na pagod ito sa paglilinis ng kuwarto. At siyempre wala pa itong plano kung paano ang gagawin sa pagkain dahil biglaan ang paglipat sa bahay niya. Basta pakakainin niya si Hiyasmin.
Iginigisa na ni Dax ang mga gulay nang lumapit si Hiyasmin.
“Ako na ang magluluto Sir Dax.’’
“Di ba maliligo ka pa?”
“Tapos na po akong maligo.’’
“Baka napapagod ka na?’’
“Hindi po. Ako na po ang magluluto.’’
“Kaya mo ba itong ginisang repolyo at carrots?’’
“Opo. Sanay akong magluto n’yan.’’
“Aba sige. Baka masarap ka pang magluto kaysa akin. Iprito mo na rin ang boneless bangus. Ako na lang magsasaing.’’
Iginisa ni Hiyasmin ang mga gulay. Sanay ngang magluto. Sa paghahalo pa lamang ay malalaman nang marunong magluto si Hiyasmin.
Pagkatapos maluto ang gulay, ipinrito na ang bangus.
Eksaktong naluto ang pritong bangus ay naluto na rin ang kanin sa rice cooker.
Pagkalipas pa ng kinse minutos ay nagpasya na si Dax na kumain na sila.
“Maghain ka na Hiyasmin at kakain na tayo—pasado 12:00 na.”
Bantulot si Hiyasmin. Nahihiya.
“Huwag ka nang mahiya, Hiyasmin.”
(Itutuloy)