Hiyasmin (28)
Makalipas ang isang oras, sinilip ni Dax si Hiyasmin sa kuwarto nito. Patuloy pa rin sa paglilinis. Natapos na nitong punasan ang sahig at ang mga salamin ng bintana naman ang pinupunasan.
“Magpahinga ka muna, Hiyasmin. Halika magmeryenda ka muna. May hot cake akong niluto.’’
“Tatapusin ko po muna ito.’’
“Halika na.’’
Sumunod si Hiyasmin kay Dax sa kusina.
“Kumain ka muna. Nagkakape ka ba?’’
“Opo.’’
“Magtimpla ka. May hot water sa dispenser.’’
Nagtimpla sa tasa si Hiyasmin.
Pagkatapos ay naupo sa katapat ni Dax.
Iniusod ni Dax ang plato na may hot cake patungo kay Hiyasmin. Pati ang gatas at mantikilya ay iniusod din niya.
Dumampot ng hot cake si Hiyasmin at inilagay sa platito. Hinati. Tininidor at isinubo.
“Masarap ba?’’
“Opo.’’
“Kapag wala akong pasok ay ‘yan ang minimeryenda ko. Mabilis namang iluto.’’
“Oo nga po. Paborito ko rin ito, Sir Dax.’’
“Aba magkakasundo tayo. Marunong kang magluto niyan?’’
“Opo.’’
“Ikaw na ang magluto sa susunod, ha-ha-ha!”
“Sige po.’’
“Siyanga pala kapag natapos mong linisin ang kuwarto ay ibibigay ko sa iyo ang kumot, punda at sapin sa kama.’’
“Opo. Ngayon ko na po lalagyan ng sapin ang kama. Tapos ko na pong linisin ang room.’’
“Mabuti. Kapag naayos mo ang kama ay puwede ka nang magpahinga. Napagod ka sa paglilinis. Buksan mo ang aircon para komportable ang pamamahinga mo.’’
“Opo Sir Dax. Pero maliligo po muna ako.’’
“A sige. May sabon at shampoo sa banyo. Ikaw na ang bahala.’’
“Opo.”
(Itutuloy)
- Latest