Hiyasmin  (13)

HINDI makapagpasya si Dax sa hinihinging tulong ni Hiyasmin. Sa totoo lang, talagang nabigla siya. Unang pagkakataon na naka-encounter siya ng ganito na humihingi ng tulong pero kakaiba—papasok na ka­sambahay. Naisip ni Dax, maraming modus ngayon. Kunwari ay papasok na kasambahay pero yun pala ay magnanakaw—lilimasin ang laman ng bahay. Mahirap ang hinihiling ni Hiyas­min sa kanya. At saka parang alam na alam na ni Hiyasmin ang gagawin. Parang may plano.

Nabasa yata ni Hiyasmin ang iniisip niya at agad na nagpaliwanag.

“Huwag ka pong mag-alala Sir Dax. Hindi ako ma­­samang tao na ang modus ay pagna­kawan ang pagli­lingkuran. Meron po akong NBI at police clearance.

Wala po akong intensiyon na masama at ang tanging nais ay makapagtrabaho para matustusan ang aking pag-aaral.”

Nakaisip ng ita­tanong si Dax.

“Bakit ikaw ang namumroblema sa gagastusin mo sa pag-aaral. Nasan ang pa­rents mo?’’

“Anak ako sa pagka­dalaga ng mama ko, Sir Dax. Nag-asawang muli si Mama pero sa kasamaang palad, hindi maganda ang ugali ng amain ko. Hindi maganda ang trato niya sa akin at ang masama pa, pinagtatangkaan ako…’’ tumigil sa pagsasalita si Hiyasmin at saka bumuntunghininga nang malalim. Saka nagpatuloy sa pagsasalita.

“Pinagtatangkaan akong gahasain, Sir Dax.’’

Hindi makapagsalita si Dax.

Lumalalim ang kuwento ni Hiyasmin. Mukhang ma­bigat nga ang problema. Hindi pangkaraniwan.

Nararamdaman ni Dax na natatangay siya sa mga ikinuwento ni Hiyasmin. Na­aawa siya.

Itutuloy

Show comments