PERO kahit sinabi ni Dax sa sarili na hindi na bibigyang pansin ang ID ni Hiyasmin, hindi pa rin niya matiis na hindi ito isabit sa screen door kapag aalis siya para pumasok sa trabaho.
Umaasa pa rin siya na isang araw ay may kakatok sa kanyang gate at itatanong kung may napulot na ID. O kaya’y kukunin ang ID dahil nakitang nakasabit sa screen door.
Kaya bago umalis sa umaga, isasabit niya ang ID sa screen door.
Nilagyan niya ng tali at sinigurong makikita nang maghahanap. Matatanaw naman ito mula sa gate.
Gusto na niyang matapos ang pag-iingat sa ID. Nahiling na sana ay may mag-claim na nito.
Sabi ng nakausap niyang babae sa pabrika na pinagtatrabahuhan ni Hiyasmin na natapos na ang kontrata ni Hiyasmin — nag-end of contract (endo) na raw ito. Nang tanungin niya kung alam ang address ni Hiyasmin, tumanggi ang babae.
Bawal daw. Hindi na siya nagpilit. May mga polisiya ang kompanya na hindi basta-basta ibinibigay ang address ng kanilang empleyado. Uso nga naman ang panloloko ngayon.
Naisip naman ni Dax na ano kaya at i-post niya sa FB ang ID ni Hiyasmin. Maaring mabasa ito ni Hiyasmin.
Napangiti si Dax. Puwede ang naisip niya.
Gagawin niya mamaya ang naisip. Gusto na niyang mawala sa poder ang ID ni Hiyasmin.
Itutuloy