Pinagmasdan ni Dax ang retrato ni Hiyasmin Elcruz sa ID. Maganda. Sa tingin ni Dax ay may lahing Arab si Hiyasmin. Ang mata na hugis almond ay parang inaantok. Malago ang kilay.
Maliban sa pangalan at lagda, wala nang iba pang nakasulat sa harap.
Binasa niya ang nasa likod ng ID. Pangalan ng kompanya na gumagawa ng sitsirya. Alam niyang sa sitsirya sapagkat napapanood niya sa TV na nag-iisponsor ito ng noontime show. May address at telephone number ang kompanya.
Nagkaroon ng konklusyon si Dax na nagtatrabaho sa pagawaan ng sitsirya si Hiyasmin. Dito siya nagdaraan sa P. Noval kapag pumapasok siguro sa trabaho at dito rin nagdaraan sa pag-uwi. Kaya dito nahulog ang ID.
Pero bakit hindi pa niya ito binabalikan? Paano siya makakapasok sa trabaho kung walang ID. Ang alam niya mahigpit sa pabrika at hindi pinapapasok ang walang ID.
Naisip ni Dax na kapag hindi pa kinuha ni Hiyasmin ang ID sa loob ng dalawang araw, tatawag siya sa kompanya nito. Kawawa naman kung hindi maibabalik ang ID. Baka hindi ito pinapapasok ng guwardiya sa loob ng pabrika. Alam niya, mahigpit sa mga pabrika na pag-aari ng Chinese.
Bukas, hindi niya sa gate isasabit ang ID at baka may ibang kumuha. Ididikit niya sa screen door. Tiyak na makikita ito ni Hiyasmin. Kailangan lang niyang hintayin na magkaroon ng tao sa bahay para ma-claim ang ID.
Iyon ang pinaka-safe na paraan para hindi mawala ang ID.
Kinabukasan, bago pumasok. Idinikit ni Dax sa pamamagitan ng masking tape ang ID ni Hiyasmin Elcruz.
Siniguro niyang nakadikit nang maayos ang ID at makikita ng may-ari. (Itutuloy)