Hiyasmin (2)

Pumasok na sa kanyang trabaho si Dax. Sa isang advertising agency siya nagtatrabaho bilang copywriter. Dati may kotse siya na ginagamit sa pagpasok pero mula nang mahirapan siya kung saan ipa-park, binenta na niya at nagta-taksi na lamang o Grab. Isa pang problema niya ay kapag bumabaha. Mahirap isuong sa baha ang sasakyan. Mabuti pa nga na walang sasakyan. Wala siyang problema.

Kapag dinadalaw niya ang kanyang mga magulang sa Fairview kapag Sabado at Linggo ay nagji-jeep lang siya. Kasama ng kanyang mga magulang ang dalawang kapatid, isang lalaki at isang babae. Siya ang pa­nganay. Parehong retired na sa trabaho ang kanyang ama at ina. Dating mga empleyado ng gobyerno ang kanyang mga magulang.

Ganun araw-araw ang schedule ni Dax. Papasok nang maaga sa trabaho at uuwi ng alas singko ng hapon. Kapag tinamad siyang ­magluto, sa mall siya pupunta at sa food court kakain. Kapag sinipag magluto, tama na ang ginisang corned beef na may patatas sa hapunan. Sa umaga, ang natirang corned beef ay lalagyan niya ng binating itlog. Solb na ang breakfast niya.

Nakalimutan na ni Dax ang tungkol sa ID na napulot niya sa harapan ng gate ng kanyang bahay.

Pag-uwi niya kinahapunan, nagulat siya sapagkat naroon pa rin at nakasabit sa gate ang ID. Hindi binalikan o hinanap ng may-ari. Kinuha niya ang ID at dinala sa loob ng bahay.

(Itutuloy)

Show comments