TREINTA’Y KUWATRO anyos na si Dax pero nanatili pa ring binata. Ayaw pa niyang mag-asawa. Gusto niyang magsawa muna sa pagkabinata. Humiwalay na siya ng tirahan sa kanyang mga magulang at nanirahan sa isang apartment sa P. Noval na nabili niya ilang taon na ang nakararaan. Kakilala niya ang may-ari ng property kaya nabili niya ng medyo mura. Sa P. Noval niya ginustong tumira dahil nasanay na siya rito. Noong nag-aaral pa siya, dito sa lugar na ito siya madalas na nagdadaan. Kabisado niya ito.
Tamang-tama sa kanya ang apartment na ipina-renovate niya. Pinataasan niya ang flooring dahil kapag bumabaha, pumapasok ang tubig galing sa kalsada. Nang matapos ang renovation, presentable na. Maski magsama siya ng kaopisina, hindi nakakahiya.
Maraming nagpayo sa kanya na bakit hindi na lang kumuha ng unit sa condo. Ayaw niya ng condo. Bukod sa takot siya kapag lumilindol, marami rin daw problema kapag nasa condo. Kailangan pang bumili ng parking space para sa sasakyan. Mag gusto niya sa karaniwang apartment. Mas komportable siya.
Mula nang mag-isa siyang tumira sa kanyang apartment, wala siyang naging problema.
Isang umaga na papasok siya sa trabaho, tiwala siyang binuksan ang gate.
Pagbukas, nakita niya ang isang ID na nasa semento. Nalaglag sa may-ari. Dinampot niya. Binasa. ID ng babae.
Dahil nagmamadali, isinabit na lang muna niya ang ID sa gate. Tiyak babalikan iyon ng may-ari. Pumasok na siya sa trabaho.
(Itutuloy)