“Magandang petsa ang napili n’yo sa pagpapakasal!’’ sabi ni Aling Perla.
“Si Leah po ang pumili ng buwan pati petsa. Maaliwalas daw po ang Mayo at ang petsa 15 naman ay nagpapahiwatig ng kasaganaan,” sabi ni Brent.
“Sang-ayon ako,’’ sabi ni Aling Perla na halata sa boses ang kasiyahan.
“Wala kang tutol, ‘Ma?’’ tanong ni Leah.
“Wala. Alam n’yo ba na ang parents ko ay Mayo 15 ikinasal? At nagsama sila ng 70 taon. Naniniwala ako na kapag ikinasal ng ganung buwan at petsa ay matibay ang pagsasama. Walang makapaghihiwalay gaya ng sinumpaan nila sa harap ng altar. Nanatiling matapat sila sa isa’t isa—walang kataksilan na naganap.”
“Hindi katulad ko nasira ang pagsasama dahil sa kawalang katapatan ng lalaki. Sa kabila na naging matapat ako, sinuklian iyon ng kataksilan.”
“Pero alam n’yo maaring mali rin ang buwan at petsa ng aming pagpapakasal. Sana sinunod ko ang payo ng aking mga magulang—baka sakaling hindi nangyari ang trahedya ng aming pagsasama.”
“Kaya kayong dalawa, ituloy n’yo na ang balak. Malaki ang paniwala ko na magiging matibay at masagana ang inyong pagsasama. At ipagdarasal ko na walang hanggan ang inyong pag-iibigan.’’
“Salamat, ‘Ma. Napakabuti mo,’’ sabi ni Leah at niyakap ang ina.
Nagpasalamat din si Brent at niyakap nang mahigpit ang kanyang magiging mother-in-law.
Alam ni Brent, natapos na ang lahat nang problema at wala nang susunod pa. Wala na ring madaramang poot, galit o pagkasuklam sa kanila.
(ABANGAN BUKAS ANG ISA PANG KAPANA-PANABIK NA NOBELA MULA PA RIN SA PABORITO N’YONG AWTOR NA SI RONNIE M. HALOS.)