“Welcome ka rito sa lahat nang oras, Julio,’’ sabi ni Brent sa kaibigan.
“Okey ka talagang kaibigan, Brent. Masuwerte ako at ikaw ang naging kaibigan ko.’’
“Ganundin ako, Julio.’’
“Talaga palang dapat magselebreyt tayo. Ito ang unang pagkakataon na iinom ako na masayang-masaya. First time sa buhay ko. Salamat nang marami Brent.’’
“Walang anuman. Sige umpisahan na natin, Julio.’’
Binuksan ni Julio ang Black Label at sinalinan ang dalawang baso.
“Kulang pa ng isang baso, Brent—para sa tatay mo.’’
“Sandali at kukuha ako.’’
Nang makakuha ng baso, sinalinan ito ng alak ni Julio.
“Umpisa na Brent.”
Sabay silang tumungga. Walang bitawan. Inubos sa isang lagok.
Masarap ang alak. Humahagod sa lalamunan, suwabe ang init.
“Dadalasan ko ang punta rito, Brent.’’
“Oo. Punta ka lang dito.’’
“Talagang gusto kong manirahan dito sa lugar n’yo, Brent.’’
“Bumili ka ng property rito para araw-araw ay magkikita tayo.”
“Sige, ihanap mo ako at bibilhin ko.’’
“Talagang gusto mo rito ha?”
“Oo. Seryoso ako.’’
“Okey ihanap kita.’’
“Mas maganda kung katabi o katapat nitong property n’yo. Para kapag mag-iinuman tayo e lilipat na lang ako, ha-ha-ha!’’
“Sige i-try ko kung ibebenta itong katabi.’’
“Salamat Brent.’’
“Maiba ako, Julio, nasan ang anak mo? Kumusta na siya?’’
“Nasa bahay, kasama ang isa kong pinsan. Okey naman ang anak ko.’’
“Hindi hinahanap ang mommy niya?’’
“Hindi.’’
“Talagang nakabangon ka na mula nang mamatay si Vivian?’’
“Oo, Brent. Nakabangon nang tuluyan. Masayang-masaya ako dahil nawala ang nakasusuklam na babae!’’
“Masaya ako para sa’yo, Julio.’’
“Salamat Kaibigan.’’
Nagsalin uli sa baso si Julio at sabay silang tumungga.
Maya-maya pa, si Julio na ang may hawak ng microphone at kumakanta. Maganda pala ang boses ni Julio.
Habang kumakanta si Julio, nag-uusap naman si Brent at tatay niya.
“Masaya na si Julio, ‘Tay. Wala na talagang problema ang kaibigan ko.’’
“Oo nga, bigay na bigay sa pagkanta.’’
(Itutuloy)