“Nagtapat na sa akin si Leah tungkol sa relasyon n’yo, Brent. Isa yan sa ikinatutuwa ko kay Leah, hindi siya nagtatago. Minsan lang siyang nagtago ng isang pangyayari pero naunawaan ko siya. Iyon ay noong nagtaksil ang kanyang papa. Pero nagawa niya iyon dahil ayaw niya akong mag-worry habang nasa Hong Kong. Baka raw kung ano ang mangyari sa akin. Naunawaan ko siya. Maliban dun, wala na siyang ipinaglihim sa akin. Itinuturing ako ni Leah na hingahan ng mga problema,’’ sabi ni Aling Perla.
“E di ang kuwento po ng aming buhay e naipagtapat na rin sa’yo?”
“Oo.’’
“Magkapareho ang story ano po?’’
“Oo. Hindi nga ako makapaniwala pero totoo palang may nagkakapareho ang istorya ng buhay—at para namang pinagtiyap na kayo ni Leah ang nagkakilala at nagkaibigan.’’
“Oo nga po. Nung ikuwento sa akin ni Leah ang nangyari sa inyo, hindi rin ako makapaniwala. Habang nagkukuwento siya, damang-dama ko ang nararamdaman niya. Nakaka-relate ako —naramdaman ko nang buung-buo.’’
“Ang naiba lang, hindi ko pinatawad ang papa niya. Ganun ako. Kapag nakagawa nang mabigat na kasalanan ang isang tao sa akin, hindi ko mapapatawad. Magiging plastic lang ako sa sarili kapag pinatawad, pero sa aking isip ay naroon pa rin ang ginawang kasalanan.”
Napatangu-tango si Brent. Iginagalang niya ang mama ni Leah.
Maya-maya, lumapit si Leah. May dalang mainit na kape at ensaymada.
“Magmeryenda ka muna, Brent,’’ sabi ni Leah.
(Itutuloy)