Pagkatapos magkuwento ni Leah ng mga nangyari sa kanilang pamilya ay ganap nang naunawaan ni Brent kung bakit wala ang papa nito sa family picture.
“’Yun pala ang dahilan kaya wala ang papa mo sa picture n’yo,’’ sabi niya sabay turo sa mga nakasabit na larawan sa dingding.
“Oo. Sabi ni Mama, kung hindi aalisin ang photo ni Papa at lagi niyang makikita, mananariwa lamang ang sakit na idinulot sa amin. Gusto niya totally wala na talaga—at nagtagumpay si Mama. Labis ko siyang hinangaan sa paninindigan.’’
“Ako man, humahanga sa mama mo. Bihira ang katulad niya.’’
“Sabi ng iba, masyado raw namang matigas si Mama. Lahat naman daw ay nagkakamali. Dapat pinatawad na raw ni Mama si Papa sa nagawa nito. Pero sagot ni Mama sa mga kumukontra, siya raw ang nakadama ng sakit. At tanging ang nakadama lamang ng sakit ang makapagpapasya nang nararapat. Sabi pa ni Mama, hindi kailanman siya nagkamali kung bakit hindi pinatawad si Papa.’’
Napatango na lamang si Brent. Sa loob niya, nadagdagan pang lalo ang kanyang paghanga sa mama ni Leah.
(Itutuloy)